CAGAYAN DE ORO CITY – Iminungkahi ng grupong National Union of People’s Lawyers (NUPL) kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na maghahanap pa ng ibang mga paraan na maiwas ang Pilipinas sa nagkabanggaang interes ng mga heganteng Estados Unidos at China gamit ang West Philippine Sea issue.
Nangangamba kasi ang grupo ng mga abogado na mas lalo lang maiipit at madedehado ang interes ng Pilipinas kung magka-gamitan ng super power weapons ang magkaribal na Tsina at Amerika sa mismong bakuran ng Pilipinas.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni NUPL President Atty. Ephraim Cortez na mabuting simula na ang pinanalo na arbitral ruling case kontra Tsina subalit kailangang makabuo ng dagdag ng istratehiya ang national government na hindi masyadong umaasa sa pangakong tulong ng puwersang Amerikano.
Paliwanag nito na hindi maaring sumasandal na lang ang Pilipinas sa mga pangako at walang gagawin na sariling mga diskarte dahil nangamba sila na sa sa West Philippine Sea ang pagmumulan ng malaking giyera.
Aniya,dumulog nga tayo sa kunwari mga ka-alyado laban sa isa pang naghari-harian na malaking banyagang bansa subalit ang hindi maitatago ay kapwa ang mga ito nagsusulong ng mga pansariling interes.
Magugunitang sa kabila ng maraming harassments at komprontasyon ng mga puwersang pang-karagatan sa West Philippine Sea kontra Tsina, tanging pag-uulat at pagdo-dokumento lang ang ginawa ng Pilipinas sa harap ng international community.