Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-apatnapu’t siyam na national prayer breakfast sa Malakanyang ngayong araw ng Lunes, November 18,2024.
Sa talumpati ng Pangulo kaniyang sinabi na ang pamumuno na walang pananampalataya ay parang barko na walang compass, ito ay papalaot ngunit lilihis ng direksyon.
Ayon sa Pangulo, ang totoong liderato ay dapat may kakayanang baguhin ang buhay ng mga tao para sa ikabubuti nito, nang may paggabay ng karunungan mula sa pananalig sa diyos.
Sinabi ni Marcos na ang mundo ay nahaharap sa pagkakaiba-iba ng paniniwala, sa pulitika, at maging ang magkakaibang pananaw sa kultura at henerasyon.
Ipinatitiyak ng pangulo sa mga lider na nangingibabaw ang pagmamahal, awa, at pagpapakumbaba sa bawat desisyon at aksyon.
Hinikayat din nito ang lahat ng magiging lider sa hinaharap na gawing gabay ang pananampalataya at pang-hugutan ito ng lakas sa harap ng mga hamon para sa mithiin na hindi lamang pansarili.