Pinangunahan ngayong araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng mga food packs, tulong pinansiyal at medical services sa kaniyang personal na pagbisita sa 2,100 pamilyang na-displace dahil sa sumiklab na sunog sa residential area sa Purok Uno, Islang Puting Bato sa Tondo, Manila noong nakaraang linggo, Nobiyembre 24.
Sa mensahe ng Pangulo sa idinaos na ceremonial event sa Rosauro Almario Elementary School, binigyang diin niya ang pangangailangan para iprayoridad ang kalusugan ng mga biktima ng sunog na inilikas at kasalukuyang nanunuluyan sa Delpan Evacuation Center kung saan personal ding kinamusta ng Pangulo ang kanilang kondisyon.
Nangako din ang Pangulo sa patuloy na paghahatid ng food packs at iba pang tulong hanggang sa muling maitayo ang kanilang mga bahay.
Tiniyak naman ni PBBM sa mga apektadong residente ang pangako ng national at local governments na mabigyan sila ng bagong mga bahay bago ang Pasko.
Inatasan na aniya si Manila Mayor Honey Lacuna para sa paghahatid ng napapanahong tulong at suporta para sa mga pamilyang naapektuhan ng sunog.
Samantala, makakatanggap naman ang mga head ng apektadong pamilya ng tig-P10,000 na tulong pinansiyal at family food packs para sa kanilang mga agarang pangangailangan habang namahagi din ang Office of the President ng 2,100 blankets at sleeping mats para sa mga pamilyang na-displace.