CAGAYAN DE ORO CITY – Mismo na umano si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr ang naglabas kautusan na bigyang katuparan ang total rehabilitation para tuluyang magbalik-normal na ang mga buhay ng Maranao-Muslim sa Marawi City,Lanao del Sur.
Ito ang dahilan na binuo ng presidente ang Presidential Adviser for Marawi Rehabilitation na kasalukuyang pinamunuan ni Nasser Pangandaman Sr upang matapos na ang mag-pitong taon ng pagsisikap ng gobyerno para sa Maranao-Muslims na nagsilbing internally displaced persons.
Sinabi ni Lanao del Sur 1st District Cong.Zia Adiong na masyado na umanong nababagalan ang national government kaya ipinag-utos ni Marcos na madaliin na ang Marawi rehabilitation efforts.
Salaysay ng kongresista na pag-uutos rin ito ni House Speaker Martin Romualdez kaya nagpunta ang ilang Mindanao at Luzon fellow lawmakers upang magsagawa ng ocular inspection at public hearing patungkol sa kalagayan ng Marawi.
Magugunitang ipinunto ni Adiong na kung maari ay mabigyan ng prayoridad ang maayos na koneksyon ng sistemang patubig,koryente at housing units bago tuluyang pabalikin ang IDPs bilang full intergration sa main battle area ng Marawi City.
Bumagsak noon ang Marawi City dahil nilusob ng Maute-ISIS terror group kaya tinatapan ng state forces dahilan umaabot ng limang buwan ang engkuwentro bago tuluyang nanumbalik ang katahimikan at kaayusan.