-- Advertisements --

Nagpasalamat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay Oman Sultan Haitham Bin Tarik at sa kaniyang gobyerno para sa matagumpay nilang mediation o pakikipag-usap para mapalaya mula sa kamay ng mga rebeldeng Houthi ang 17 Filipino seafarers na mga crew ng M/V Galaxy Leader sa Red Sea nuong November 2023.

Pinuri naman ni Pang. Marcos ang mga kaukulang ahensya ng Philippine government at private instrumentalities na walang-pagod na nakipagtulungan sa foreign governments at entities upang mapalaya ang mga pinoy matapos ang apat na raan at dalawampu’t siyam na araw.

Una ng kinumpirma ni Pang. Marcos na pinakawalan na ang 17 Pinoy seafarers.

Iginiit pa ni Marcos na ang matatapang na Filipino seafarers ang rason kung bakit niya nilagdaan ang magna carta of Filipino seafarers upang ma-protektahan ang kanilang karapatan at kapakanan, maitaguyod ang kanilang full employment, at matiyak ang pantay na oportunidad sa maritime industry kabilang ang access sa edukasyon at training at development, salig sa mga umiiral na domestic at international laws, standards, at conventions.

Ang mga pinoy seafarers ay nasa pangangalaga na ng Philippine Embassy sa Muscat, Oman.

Sa kasalukuyan pinoproseso na ang pagbabalik bansa ng mga nasabing Filipino seafarers.