Pinasisilip ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kay incoming Department of Education Secretary Sonny Angara ang pinansiyal na status ng mga guro.
Hindi naman direktang sinabi ng Pangulo kung ito ay ang posibleng pagtaas ng sahod ng mga public school teachers.
Sa isang panayam kay Pangulong Marcos sa probinsiya ng Sulu kaniyang sinabi na mahalaga na maganda ang pinansiyal na estado ng mga guro ng sa gayon mapakain ng maayos ang kanilang mga pamilya.
Ipinunto ng Presidente kapag hindi sapat ang kinikita ng mga ito, hindi magiging epektibo ang kanilang pagtuturo dahil inaalala ng mga ito ang kanilang mga pamilya.
Bukod sa pinansiyal na aspeto sasailalim din ang mga guro sa mga re-training programs lalo at mabilis ang development sa mga bagong teknolohiya.
Nais ng Pangulo na maging bihasa ang mga guro sa mga bagong teknolohiya na ginagamit ngayon kaya nais nitong magkaroon ng sapat na kaalaman sa pamamagitan ng pagsailalim sa mga training.
Target din ng Presidente na magsagawa ng mga feeding program upang tugunan ang problema sa pagka bansot ng mga batang mag-aaral.
Pinasisiguro din ng Pangulo kay Sec. Angara na turuan ang mga bata ng Philippine history dahil mahalaga na alam nila ang ating kasaysayan.