Pinatitigil muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang paghuhuli sa mga e-bike, e-trike na bumibiyahe sa ilang mga kalsada sa Metro Manila.
Sa isang mensahe, inatasan nito MMDA at ang mga lokal na pamahaalan sa Metro Manila, na bigyan ng palugit ang mga e-bikes, e-trikes at iba pang apektadong sasakyan na dumadaan sa ilang pangunahing kalsada sa rehiyon.
Binigyang diin ni PBBM na kailangan pang magbigay ng sapat na panahon para sa malawak na pagsisiwalat ng impormasyon hinggil sa ban na ipinapatupad ng pamahalaan.
Ipinunto ng Pangulo na batay aniya sa rekomendasyon na kanyang natanggap, mananatiling bawal ang mga natukoy na sasakyan sa ilalim ng MMDA Regulation No. 24-022 series of 2024 sa mga piling pangunahing lansangan.
Subalit ipinaliwanag niya na ang sakop ng grace period ay ang hindi pag-iisyu ng ticket, pagpapataw ng multa at pag-impound ng mga e-trike.
Pinaaalalahanan ni Pangulong Marcos ang mga awtoridad na kung paparahin man ang mga e-vehicles, ito ay upang maayos na maituro ang mga kalsadang maaari nilang gamitin, pati na ang pagpapaalala ng mga bagong patakaran na ipinapatupad upang paigtingin ang kaligtasan at kaayusan sa mga lansangan.
Hindi naman binanggit ng Pangulo kung hanggang kailan ipatutupad ang palugit para dito.