-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga concerned agencies ng gobyerno na tutukan ang nasa 40 million Filipinos sa bansa na hanggang ngayon wala pa ring access sa potable water.

Sinabi ng Pangulo na nais nito na sa lalong madaling panahon mabigyan na ng fresh waters ang mga kababayan natin.

Inihayag naman ni Dr. Carlos Primo David , Undersecretary for integrated Environmental Science ng DENR na karamihan sa wala pang access sa potable water ay mga lugar sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at mga island barangays.

Sa ngayon nasa 65 island barangays ang prayoridad ng DENR para mabigyan ng fresh water.

Sinabi ni David na kabilang sa kanilang tinitignang mga hakbang para mabigyan ng fresh water ang ating mga kababayan ay ang paggamit ng desalination process technology kung saan ang tubig dagat ay i-convert sa fresh water sa pamamagitan ng nasabing teknolohiya.

Nasa P5 to P8 million ang halaga ng nasabing teknolohiya.

Tinitignan din ng DENR na magtatayo ng mga infrastruktura sa mga lugar na may source ng fresh water partikular sa Mindanao.

Sa kabilang dako, tiniyak ni David na may sapat pa rin na water supply sa Metro Manila sa kabila ng nararanasang El Nino o tagtuyot at pagtaas ng water consumption sa kalakhang Maynila.