-- Advertisements --

Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Department of Health (DOH) Secretary Ted Herbosa na tiyaking hindi mapuputol ang serbisyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit wala itong subsidy mula sa 2025 national budget.

Sa isang pagpupulong sa Malacañang ngayong araw, binigyang-diin ni PBBM na hindi dapat makaapekto sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan ang zero-budget allocation ng PhilHealth.

Maaalala na noong Disyembre ng nakaraang taon nang lagdaan ang national budget ay tiniyak ng Pangulo na patuloy na magbibigay ng serbisyo ang PhilHealth sa kabila ng kawalan ng subsidiya.

Kasabay nito, muling iginiit ng Pangulo ang commitment ng pamahalaan sa pagtutok sa mga serbisyong panlipunan, kabilang ang edukasyon, kalusugan, serbisyong pang-ekonomiya, imprastraktura, at agrikultura.

Hinikayat naman ng Presidente si Herbosa na ituon ang atensyon ng DOH sa ‘cure to prevention’ o sa paggamot patungo sa pag-iwas sa sakit. 

Bukod dito, iginiit din ni Pangulong Marcos ang kahalagahan ng digitalization sa DOH upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo at mapabuti ang kahusayan sa ahensya.