Pinatitiyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga lokal na pamahalaan sa Region 5 ang kanilang kahandaan laban sa mga sakuna.
Sa ngayon patuloy ang paghahanda ng pamahalaan para sa panahon ng tag-ulan, gayundin sa pagtama muli ng mga malalakas na bagyo at pag-baha.
Dahil dito inatasan ni Pangulong Bongbong Marcos ang mga local government unit at lahat ng mga ahensya ng pamahalaan sa Region 5 na suriin muli ang mga plano para maging handa sa tuwing may banta ng sakuna lalo na’t marami aniyang dumadaang bagyo sa nasabing rehiyon.
Sa kanyang talumpati sa pamamahagi ng financial assistance sa Legazpi city, sinabi ng Pangulo na dapat siguraduhin ng mga LGU na magiging ligtas ang lahat ng mga residente sa panahon ng kalamidad.
Siguraduhin din na may sapat na suplay ng pagkain at pangunahing pangangailangan ang mga maaapektuhan ng kalamidad.
Sinabi ng Pangulo na sa panig ng pamahalaan ay patuloy silang naka-subaybay at naka-agapay sa mga local government unit sa anumang sitwasyon.