Pinuri si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa paglagda nito sa dalawang bagong batas matapos ang 18 taon sa pagbabalangkas nito na malaking bagay sa pagpapalakas sa maritime security and economic development ng Pilipinas.
Ayon kay Senator Francis Tolentino ang bagong batas ang Philippine Maritime Zone (PMZ) Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes (PASL) Act ay naka linya sa domestic and international laws kabilang ang UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ang Philippine Maritime Zone Act ay nagdedeklara ng mga maritime zone ng Pilipinas ayon sa pamantayan ng UNCLOS at nagtatatag ng mga archipelagic sea lanes na lumilikha ng mga ruta sa pamamagitan ng tubig at airspace ng bansa.
Habang ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ay naglalayong magtatag ng sistema ng mga archipelagic sea lanes at air routes, na nagpapahintulot sa mga banyagang sasakyang pandagat at sasakyang panghimpapawid na gamitin ang karapatan ng mga sea lanes passage.
Sinabi ni Sen. Francis Tolentino na ang dalawang batas ay kabilang sa priority measures ng Marcos administration.
Ayon kay Rep. Maria Rachel Arenas, ang Philippine Maritime Zones Act ay nagbibigay daan sa pamahalaan upang epektibong maipatupad ang mga batas sa loob at labas ng bansa upang mapangalagaan ang yamang dagat at isda ng bansa, at upang mapanatili ang kapaligiran ng dagat.
Sa kabilang banda, ang Philippine Archipelagic Sea Lanes Act ay magpoprotekta sa pambansang integridad at seguridad ng bansa sa West Philippine Sea at iba pang karagatang teritoryal.