-- Advertisements --

Nagsalita na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa banta  laban sa kaniya at kay First Lady Liza Marcos ni Vice President Sara Duterte nuong nakaraang weekend.

Sa isang pahayag, sinabi ng Pangulo na nakakabahala ang nasabing mga pahayag at ang pagsulpot ng walang pakundangang pagmumura at ang pagbabanta ng planong ipapatay ang ilan sa kanila. 

Ayon sa Pangulo, kung ganito na lang kadali ang pagplano sa pagpatay sa isang Presidente, papaano pa kaya ang mga pangkaraniwang mamamayan?

Binigyang-diin ni Pang. Marcos na ang ganitong  kriminal na pagtatangka ay hindi dapat pinalalampas at yan aniya ay kaniyang papalagan.

Sabi ng Presidente bilang isang demokratikong bansa, kailangang sundin ang rule of law.

Dagdag pa ng Pangulong Marcos, bilang pinuno ng executive department, at lahat ng mga nanunungkulan sa pamahalaan, siya ay may sinumpaang tungkulin na tupdin at pangangalagaan ang Konstitusyon at ang ating mga batas.

Kaya hindi aniya  tama ang pagpigil ng mga halal ng bayan sa paghahanap ng katotohanan.

Ipinunto din ng Pangulo na hindi na sana hahantong sa ganitong drama  kung sasagutin lang sana ang mga lehitimong katanungan sa Senado at House of Representatives. 

Pagbibigay diin ng pangulo na ang katotohanan ay hindi dapat i-tokhang. 

Tapos na aniya sana ang usapang ito kung tutuparin lamang ang sinumpaang  panata na bilang lingkod bayan ay magsabi ng totoo, at hindi hahadlangan. 

Sabi pa ng pangulo, imbes na derechahang sagot, nililihis pa sa kwentong chicheria.

Hangad ng Pangulo na matuldukan na itong mga pangyayari sa paraang matiwasay at magdadala sa atin sa katotohanan.

Ibinahagi ng Pang. Marcos na 12 taon din siyang nanungkulan sa magkaparehong kapulungan ng  Kongreso kaya batid niya ang kapangyarihang iginawad sa kanila ng taumbayan at ng Konstitusyon.

Dahil dito,  sinabi ng pangulo na ginagalang niya ang kanilang gawain bilang isang independienteng sangay ng ating republika

 Binigyang-diin ng Pangulo na kahit ang buong executive branch,  at lahat ng mga ahensya, ay hindi nakaliligtas at parating sumasailalim sa kanilang masusing pagsusuri.

Bilang isang bansa, marami aniyang  mga hamon na dapat harapin at mga suliraning dapat bigyang lunas.

Inihayag din ng Pangulo na sa kabila ng mga pambabatikos,  binigyang diin nito na nakatuon ang kaniyang pansin sa pamamahala, subalit  hindi aniya nila  iko-kompromiso ang Rule of Law. 

Kailangan manaig ang batas sa anumang sitwasyon, sinuman ang tamaan.  

Alalahanin aniya nila ang mandato na pinagkatiwala sa kanila ng milyong-milyong  Pilipino.

Magtatrabaho aniya sila para sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas.

“ Kaya hindi ko hahayaan magtagumpay ang hangarin ng iba na hatakin ang buong bansa sa burak ng pulitika. 

Igalang natin ang proseso. Tuparin natin ang batas. Alalahanin natin ang mandato na pinagkatiwala sa atin ng milyong-milyon na Pilipino. 

Magtrabaho po tayo sa ikauunlad ng Republika ng Pilipinas at para matamo ang Bagong Pilipinas,” pahayag ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.