Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa 310 graduates ng Philippine Military Academy (PMA) MADASIGON Class of 2023 na maging handa sa mga hamon na kanilang kakaharapin ngayong magsisimula na sila sa kanilang serbisyo publiko.
Sabi ng Pangulo ang mga kadete ay hinasa at hinubog ng akademya para maging magagaling na mga opisyal ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Ayon sa Pangulo ang totoong laban ay nagsisimula pa lamang kaya nararapat lamang na maging handa ang mga ito.
Ang mga nararanasang realidad sa likod ng security environment ng bansa ang palaging nag-uudyok sa militar para maging handa sa anumang banta na kahaharapin.
Binigyang-diin ng Chief Executive na ang mga purveyors ng kriminalidad, insurhensiya at terorismo ay siyang dakilang hadlang sa hangaring makamit natin ang kapayapaan.
Ito rin ang sumisira sa kapayapaan, katatagan at kaunlaran ng Pilipinas.
Binanggit din ni Marcos ang AFP modernization program sa pamamagitan ng asset acquisition at upgrades, at ang “komprehensibong pag-aaral” para sa panlipunang proteksyon ng militar at unipormadong tauhan.
Kaniya din binanggit ang paglagda niya sa inamiyendahang RA 11709 kung saan ang mga bagong graduates ay kabilang na sa moderno at propesyonal na organisasyon ang Armed Forces of the Philippines.
Nanawagan ang pangulo na ipagpatuloy ang kanilang walang hanggang commitment at pagmamahal sa bayan at public service.
” In all your tasks, diligently work for unity, respect for democratic ideals, institutions, mechanisms, and rule of law,” punto ng Pang. Marcos.
Ipinunto din ng Pangulo na bilang kanilang commander-in-chief, sisiguraduhin nito na makikipag-ugnayan sa kanila bilang mga future leaders ng Armed Forces of the Philippines.
Sabi din ng Pangulo, isang malaking karangalan na i-welcome ang panibagong batch ng military officers na magiging bahagi sa ranks ng mga matatapang, magigiting at dedicated na mga sundalo.
” It is both propitious and important that as I serve my first year as your commander-in-chief, I witness the reception into the fold of this 310-strong PMA batch that would now augment the capabilities of our armed forces,” wika ni Pang. Marcos.