Nanawagan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa mga apektadong residente ng Albay na sumunod sa kautusan ng kanilang local government units (LGUs) para matiyak ang kanilang kaligtasan kasunod ng banta ng pagputok ng bulkang Mayon.
Ang pahayag ng chief executive ay sa kabila ng pagsa ilalim sa probinsiya ng Albay sa State of Calamity.
“Sa pagsasailalim sa probinsya ng Albay sa state of calamity dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, pinapaalalahanan ang ating mga kababayang Bikolano na sumunod lamang sa mga rekomendasyon at evacuation instructions ng inyong lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng bawat isa,” pahayag ng Pang. Marcos.
Ayon sa Pangulo , patuloy ang paglilikas sa mga pamilyang nakapaloob sa 6 km permanent danger zone at kasalukuyang nananatili ang mga ito sa mga evacuation centers.
Ang national government sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay agad nagbigay ng tulong at suporta sa mga kababayan natin na posibleng maapektuhan sa pagputok ng bulkang Mayon.
Sabi ng Pangulo, kabilang sa mga tulong na ito ay ang Php114-million Quick Response Fund mula sa DSWD Central Office, Php5-million standby fund mula sa DSWD Field office Region 5, at ang 179,000 family food packs (FFPs) na makukuha sa Disaster Response Centers.
Naghanda din ang DSWD ng Php67.8 milyon sa iba pang DSWD field offices (FOs) na maaaring suportahan ang mga pangangailangan sa mga apektadong lugar dahil sa aktibidad ng seismic ng Bulkang Mayon sa pamamagitan ng inter-FO augmentation.
Sinabi ng ahensya na may 814,758 FFPs din ang makukuha sa iba pang DSWD FOs na maaaring suportahan ang mga pangangailangan sa mga apektadong lugar.
Nasa Php1.04 bilyong halaga ng iba pang pagkain at hindi pagkain ang makukuha rin sa National Resource Operations Center sa Pasay City, Visayas Disaster Resource Center, at DSWD FO warehouse.
“Dagdag pa sa mga preparasyong ito ay maaasahang patuloy ang koordinasyon at pagtutulungan ng bawat ahensya kagaya ng OCD (Office of Civil Defense), DA (Department of Agriculture), DOH (Department of Health), DENR (Department of Environment and Natural Resources), PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology), at iba pa,” pahayag ni Pang. Marcos Jr.
Samantala, ayon naman kay Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. nanatiling nasa Alert 3 ang estado ng Bulkang Mayon.
Sinabi ni Teodoro na suspendido ngayon ang air transport sa Albay.
Ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay kasalukuyang naghahanda ng mga alternatibong transport means.