-- Advertisements --


Sinang-ayunan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang rekumendasyon kaugnay sa pangangailangan na magkaroon ng team na tututok lang sa mga isyu ng right-of-way.

Ito’y matapos inirekumenda ng Private Sector Advisory Council (PSAC) kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang pagbuo ng Right-of-Way (ROW) Office sa ilalim ng Office of the President.

Layon nito para mapabilis ang implementasyon ng malalaking proyektong pang-imprastraktura sa ilalim ng Build Better More ng administrasyon.

Sa ginanap na pulong ng Pangulo sa Infrastructure Sector ng PSAC, natalakay ang mga hamon na nagpapabagal sa progreso ng mahahalagang proyekto sa Pilipinas.

Napag-usapan rin ang mga hakbang na maaaring gawin para mabilis na matapos ang mga proyekto kabilang na ang pag-streamline ng proseso sa pagbili ng lupa na gagamitin o pagtatayuan ng proyekto.

Natukoy kasi na isa sa pinakamalalaking sagabal sa infrastructure development ay ang right-of-way acquisition process, na kadalasang naaantala ng matagal dahil sa sigalot, court backlogs at mabagal na sistema.