Walang alam ang administrasyong Marcos sa napabalitang ‘gentleman’s agreement’ sa pagitan ni dating pangulong Rodrigo Duterte at ng China.
Sagot ito ni Pang. Marcos nang matanong hinggil sa umano’y iligal na kasunduan.
Dagdag pa ng Pangulo ‘horrified’ daw siya sa ideya na kino-kompromiso natin ang ating soberanya sa pamamagitan ng isang sikretong usapan para sa ating mga teritoryo.
Aniya hindi raw alam ng kaniyang administrasyon kung mayroong ganitong uri ng usapan.
Wala naman daw nag-brief sa kanila hinggil dito mula nang umupo sila sa Malacañang.
Wala rin aniya silang nakitang documentation ng usapan.
Ipinunto rin ni Marcos ang pagkakaiba-iba ng pahayag mula sa mga dating opisyal ng nagdaang administrasyon.
Kung maalala isiniwalat ni dating presidential spokeperson Atty. Harry Roque ang naturang agreement bagay na kinontra ng isa pang spokesperson ni Duterte na si dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo.