Kumpiyansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na malaki ang magiging impact ng internet connectivity sa bansa, matapos ang pagpapagana sa National Fiber Backbone Phase 1 Project ng Department of Information Communication and Technology (DICT) partikular sa pang-araw araw na aktibidad ng mga ordinaryong Pilipino.
Pinangunahan ng Pangulong Marcos ang paglunsad sa nasabing proyekto na layon iangat ang internet connectivity ng bansa.
Ipinunto ng Punong Ehekutibo na target ng kaniyang administrasyon na i-digitalized ang bansa, magkakaroon ng mabilis at abot kayang internet.
Dagdag pa ng Presidente ang pagpapagana sa unang phase ng National Fiber Backbone Project ay simula pa lamang para sa isang malaking ambisyon at pagbabago ng bansa sa hinaharap na lalong magpapalakas sa connectivity.
Umaasa din ang Pangulo na makumpleto na ang limang susunod na bahagi ng National Fiber Backbone Project sa taong 2026.
Sa sandaling matapos ang nasabing proyekto inaasahan ng DICT na tumaas ang penetration rate mula sa 33% hanggang 65% kung saan nasa 70 million Filipinos ang maaabot nito.
Ang naturang infrastructure ay magbubukas ng mas maraming trabaho, mapabuti ang market efficiency, makapag hikayat ng mga foreign investments at pasiglahin ang livelihood opportunities sa lahat ng sektor at ginagarantiyahan ang pagtatamasa ng mga tao sa internet bilang pangunahing karapatang pantao.
Hinamon din ng pangulo ang mga kapwa public servants na ipalaganap ang nasabing inisyatibo sa ibat ibang bahagi ng bansa partikular sa mga lugar na walang access sa internet.