Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kahalagahan ng Loss and Damage Fund, isang mekanismong pinansyal na ibinibigay ng mga developed countries, sa pagresolba ng mga suliraning pangkalikasan na dulot ng mga industrial activities ng mga mayayamang bansa.
Ipinaliwanag ni PBBM na importante ang pondong ito at ang papel na gagampanan ng Pilipinas sa pamamahala nito.
Aniya, nagkasundo ang mga developed countries na bumuo ng pondong ito upang matulungan ang mga mahihirap na bansa na nagdurusa sa climate change na resulta ng mga industriyal na aktibidad ng mga mayayamang bansa.
Ipinunto ng Presidente na ang desisyon kung saan ilalaan ang pondo ay nakasalalay sa Loss and Damage Fund Board kung saan miyembro ang Pilipinas kaya’t mahalaga aniya ang papel ng bansa na magbibigay ng malaking impluwensya sa proseso ng paggawa ng desisyon.
Kumpiyansa naman ang chief executive na bilang host ng LDF board ay masisiguro ng Pilipinas na ang mga pangangailangan at alalahanin nito ay matutugunan nang maayos.