-- Advertisements --

egov1

Ikinagalak ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr., ang paglunsad sa E governance super app na layong magpapabilis ang mga ginagawang transaksiyon sa pamahalaan.

Ayon sa Pangulo malaking hakbang din ito upang malabanan Ang korupsiyon sa mga ginagawang transaksiyon sa ibat- ibang ahensiya ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng e-governance super app maiiwasan ang suhulan gayung magiging napakasimple na ng transaksiyon sa gobyerno.

Dagdag pa ng Pangulo, maiiwasan dito na magkaruon ng ipitan sa mga dokumentong inaasikaso ng isang mamamayan at mawawala na ang mga fixer.

Binigyang-diin ng chief executive na dapat mawala na ang mga ganitong klase ng kalakaran at panahon na para tapusin ang paghihirap ng taong bayan sa sistema ng lagayan.

Pinangunahan ni Pangulong Jr. kahapon, June 2, ang pagbubukas ng pagdiriwang ng National ICT Month, kasabay ng paglulunsad ng eGov PH Super App.

Ang one-stop shop mobile application na ito ay para sa mas madaling pag-akses sa iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.

Sa kaniyang talumpati, inihayag ng Pangulo ang layunin ng administrasyon na maghatid ng maaasahang electronic service, lalo na’t 95% ng mga aktibidad ng publiko, tulad ng shopping, banking, at pagbabayad sa mga transaksiyon, ay ginagawa online.

Pinuri rin ng Pangulo ang DICT para sa paglulunsad ng eGovPH Super App na kauna-unahang e-governance app sa bansa.

Aniya, matutugunan nito ang pangangailangan ng mga mamamayan sa pagbiyahe, pagbayad, maging sa pagsagap ng napapanahong balita at anunsyo mula sa gobyerno.

Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipon ay mga miembro ng gabinete, mga kinatawan ng telecommunications company, at iba pang stakeholders.

Sa nasabing egov phil super app ay pwede ring magsumbong ang publiko. libre ang paggamit ng app basta mayroong internet o data.
makikita rin dito ang mga balita at impormasyon mula sa mga ahensiya ng gobyerno.