Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na hindi gagamit ng puwersa at pananakot ang Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag ng Punong Ehekutibo ay bunsod sa insidente nuong June 17,2024 kung saan ipinakita ng China ang kanilang agresibong aksiyon laban sa mga tropa ng Pilipinas.
Sa talk to troops ng Pangulong Marcos sa Western Command Headquarters sa Palawan, kaniyang inihayag na sa pagtupad sa sinumpaang tungkulin, hindi hahantong sa paggamit ng puwersa o pananakot ang Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Binigyang-diin ng Pangulo na hindi dapat ang Pilipinas na mag-udyok ng digmaan dahil ang tanging hangarin ng pamahalaan ay makapagbigay ng mapayapa at maunlad na buhay para sa bawat Pilipino.
Hinimok naman ni Pangulong Marcos ang mga sundalo na ipagpatuloy ang kanilang sinumpaang mandato na protektahan at idepensa ang ating bansa.
“We refuse to play by the rules that force us to choose sides in a great power competition. No government that truly exists in the service of the people would invite danger or harm to lives and livelihood. And that is why, in defending the nation, we stay true to our Filipino nature that we would like to settle all these issues peacefully,” pahayag ng Pangulong Marcos.