Walang nakikitang pangangailangan si Pang. Ferdinand Marcos Jr na magdeklara ng national state of calamity sa buong bansa dulot ng El Niño phenomenon.
Sa isang ambush interview sa Bacolod City, sinabi ni PBBM na iba-iba naman kasi ang sitwasyon sa bawat lugar.
Ang pahayag ay ginawa ng pangulo matapos magdeklara ng state of calamity ang ilang lugar dahil sa matinding tagtuyot.
Maliban dito, sinabi ni Pang. Marcos na may mga kaparehong deklarasyon ang ilang lokal na pamahalaan at hindi niya nakikita ang pangangailang itaas ito sa national level.
Ipinunto pa ng presidente na may mga interbensyon na ring ginagawa ang pamahalaan tulad ng pagpapalawak ng mga irigasyon at iba pa, bukod sa magkaiba nga aniya ang kinakaharap na problema na may kinalaman sa El Niño sa iba’t ibang mga lugar sa bansa.