Sisikapin ng administrasyong Marcos na maresolba ang mga isyu sa West Philippine Sea upang masimulan ang bagong energy exploration project bago pa man maubos ang Malampaya gas field.
Ito ang naging tugon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang panayam sa kaniya ng Japanese media nang matanong kaugnay sa maritime issues at sa Malampaya gas field.
Binanggit din ng Pangulo na isasagawa ang bagong energy exploration project sa loob ng exclusive economic zone at maritime territory ng Pilipinas at hindi sa conflict area.
Inaasahan ngang maubos ang Malampaya gas field sa taong 2027 na nasa katubigan ng Palawan at malapit sa West PH Sea, rehiyon na pinaniniwalaang mayaman sa petroleum resources.
Pero dahil sa mga maritime tensiyon sa pagitan ng PH at China naantala ang energy exploration efforts sa lugar.
Una naman ng inaprubahan ni PBBM ang pagpapalawig ng operasyon ng malampaya gas sa power facility ng panibagong 15 taon.
Sinabi din ng Pangulo na mahigit 3 taon ng ginagawa ang mga negosasyon kagnay sa energy exploration sa lugar subalit maliit lamang ang naging progreso ng mga pag uusap.
Kasalukuyan ngang nasa Tokyo, Japan ang Pangulo para sa Commemorative Summit para sa 50th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN)-Japan Friendship and Cooperation. – EVERLY RICO