Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang suporta sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na nanindigan ang pangulo na hindi nito bubuwagin ang task force.
Ito’y sa kabila ng panawagan ng Makabayang law maker na i-abolish ang nasabing task force.
Ayon kay Malaya na kinikilala mismo ng Pangulo ang tagumpay ng task force sa pagpapahina ng CPP-NPA-NDF.
Batay sa ulat ng NTF-ELCAC, bumagsak sa pinakamababang bilang ang mga natitirang pwersa ng NPA.
Mula sa dating 89 guerilla fronts, isa na lamang ang natitirang “weakened” guerilla front sa Camarines Sur, na inaasahang madidismantle na rin ngayong taon.
Sa kasalukuyan, nasa 1,050 na lamang ang natitirang armadong kasapi ng NPA sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Kabilang sa mga itinuturong dahilan ng pagbagsak ng CPP-NPA ang pagkawala ng mga pangunahing lider nila tulad nina Joma Sison, Benito at Wilma Tiamzon, at Myrna Sularte, gayundin ang pinaigting na operasyon ng militar at pulisya, ang Barangay Development Program, at ang localized peace engagements.
Dagdag pa rito, ayon kay Malaya dahil sa paghina ng pwersa ng rebeldeng grupo, hindi na makakapaningil ng “revolutionary tax” ang CPP-NPA at hindi na rin makakapagpatupad ng “permit to win” at “permit to campaign” sa darating na halalan, na matagal nang isyu tuwing eleksyon.