Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na isusulong ng kaniyang administrasyon na gawing world class ang pwersa ng AFP at pag modernize sa mga kagamitan ng militar at pahuhusayin ang training program upang maging handa ang mga sundalo sa pagtugon sa anumang mga hamon.
Ginawa ni Pang. Marcos ang pahayag sa Joint Graduation Ceremony ng Major Services Officer Candidate Course ng Armed Forces of the Philippines na ginanap sa Kampo Aguinaldo.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na ang kanilang pagtatapos ay simbolo ng kanilang determinasyon, sakripisyo, at pagsusumikap na malampasan ang mga hamon ng pagiging opisyal ng AFP.
Hinimok niya ang mga nagtapos na gawing gabay sa kanilang karera ang kanilang mga natutunan.
Anya, ang pamumunong nakabatay sa serbisyo, inobasyon, at teknikal na kaalaman ang magiging pinakamabisang sandata laban sa mga bagong banta at modernong labanan.
Ayon sa Presidente, magsisimula ito sa pamumuhunan sa mga tauhan at sa pagsasanay ng mga bagong lider na magbubuklod ng tradisyon at makabagong pamamaraan.