Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sambayanang Pilipino ang mas maayos at modernong transportasyon at ginagawa ng kaniyang administrasyon ang mga nararapat na hakbang upang makamit ang layuning ito.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag ng dumalo ito sa paglagda ng loan agreement para sa Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP) kahapon sa Davao City.
Ayon sa chief executive ang mga proyektong kagaya ng DPTMP ay magbibigay daan sa modernisasyon ng transportasyon at paglago ng ekonomiya sa bansa.
Ang DPTMP ay isang integrated network na binubuo ng 29 na ruta na magkokonekta sa mga pangunahing commercial center ng Davao City.
Samantala, pinasinayaan din ng Pangulong Marcos Jr. ang pagbubukas ng Davao City Coastal Bypass Road (DCCBR) Segment A kasama si Vice President at Education Secretary Sara Duterte at iba pang kawani ng gobyerno.
Inihayag ng Pangulo na patuloy ang pamahalaan, sa pangunguna ng Department of Public Works and Highways, sa pagpapatayo ng mga imprastrakturang kagaya ng DCCBR na tiyak na mapapakinabangan ng taong-bayan.
Binigyang-pugay din ng Pangulo si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte para sa proyektong ito sa ilalim ng Philippine High Standard Highway Network na may layuning pagdugtungin ang mga malalaking isla ng bansa.