-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang commitment ng gobyerno na tulungan ang mga nahihirapang mag-aaral na maka rekover sa kanilang aralin.

Ito’y matapos lagdaan ng Pangulo ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Law.

Naniniwala si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng gagawing learning intervention malaking tulong ito para mahubog pa ang kaalaman ng mga kabataan.

Binigyang-diin ng Pangulo nais ng kaniyang administrasyon na mabigyan ng dekalidad na edukasyon ang mga mag-aaral na kanilang karapatan.

Aminado ang Punong Ehekutibo na nakakadismaya ang ulat na 75 % sa mga Pilipinong mag-aaral ay below minimum proficiency levels sa reading, mathematics, at science.

Dahil dito, kumilos na ang gobyerno para mapalakas pa ang educational system ng bansa.

Sa paglagda sa ARAL Law, magiging daan ito upang mabigyan ang bawat mag-aaral ng karapatan para sa isang dekalidad na edukasyon na accessible sa lahat.

Sa ilalim ng batas magiging libre at epektibo ang learning intervention para sa mga kindergarter hanggang Grade 10 sa pampublikong education system.

Sa ARAL program ang magiging set up nito ay sa pamamagitan ng tutorial sessions.

Alinsunod sa umiiral na mga patakaran ng DepEd, ang ARAL Program ay mag-aaruga sa mga mag-aaral sa kabuuan, na magpapatibay sa kanilang mga akademikong pundasyon at magpapahusay sa kanilang katatagan sa harap ng kahirapan.

Hinimok naman ni Pang. Marcos ang mga guro at tagapagturo ng programa, na lapitan ang mga mag-aaral nang may pang-unawa, turuan sila nang walang kinikilingan, at gabayan sila nang may habag, dahil dala nila ang mas magandang kinabukasan na ating pinagsisikapan.

Hinihikayat din ng Pangulo ang mga magulang at tagapag-alaga, na panatilihin ang bukas na linya ng komunikasyon sa mga tagapagturo ng inyong mga anak, subaybayan ang pag-unlad ng kanilang anak at ibigay sa kanila ang suportang kailangan upang magtagumpay sila sa buhay.

Nananawagan din ang Pangulo sa mga LGU na tumulong sa paglinang ng isang ligtas at kaaya-ayang kapaligiran para sa mga personal na tutorial at makipagtulungan sa gobyerno sa pagtataguyod ng programa sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga potensyal na tagapagturo, pagtukoy ng mga kwalipikadong kandidato, at pag-uudyok sa mga magulang na isali ang kanilang mga anak sa gawaing ito.