-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr na mananagot sa batas ang mga dayuhan na aabuso sa kabaitan ng mga Filipino.

Sinabi ng Pangulo na magsilbi sanang babala sa ibang dayuhan ang sinapit ni Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy na mayroong kalalagyan ang mga dayuhan na tutungo sa Pilipinas, mambabastos, at aabusuhin ang kabutihang ipinamamalas ng mga Pilipino sa mga bisita nito.

Pagsiguro ng Pangulo na makakaasa ang mga Pilipino na nasa likod nila ang pamahalaan, at hindi ipagsasawalang bahala ang mga dayuhang, gagawa ng pambabastos sa bansa.

Sabi ng pangulo, biro man o hindi, nakakainit ng dugo na makapanuod ng content ng mga vlogger, na kahit ano na lamang ang maipakita, manga-asar, o mambabatos, para lamang makakuha ng viewers.

Likas aniya na mababait ang mga Pilipino, magalang, mapagkumbaba, at mahaba ang pasensya, at nakakalungkot aniya na mayroong mga umaabuso sa mga katangiang ito ng mga Pilipino.

Gayunpaman, sa kabila ng pasensya ng mga Pilipino, hindi aniya ito nangangahulugan na palalampasin ng gobyerno ang mga ganitong akto.

Giit ng Presidente, dapat na palagan ang mga ganitong pagu-ugali, lalo’t makakaasa ang publiko na kasangga nila ang pamahalaan, upang i-lugar ang mga ganitong mapangamak na tao.