Mayroon ng ideya si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay sa mga posibleng tumulong kay Alice Guo na makalabas ng bansa, sa kabila ng mga reklamo at alegasyong mayroong kinalaman sa iligal na POGO operations sa bansa na ibinabato sa dismissed Bamban mayor.
Sa panayam sa pangulo, sinabi nito katatapos lamang niyang makausap si Justice Secretary Jesus Remulla, at malapit na aniya silang matapos sa malalim na pagsisiyasat na ginagawa ng DOJ, upang matukoy kung sino ang mga indibidwal na mananagot.
Magiging mabilis aniya ang aksyon ng pamahalaan, laban sa mga ito.
Sabi ng pangulo, inaalam na lamang kung ilan ang involve at gaano kalalim ang sabwatan sa kasong ito.
Kung matatandaan, una nang ipinangako ni Pangulong Marcos na mananagot ang mga responsable o nasa likod ng paglabas ni Guo sa bansa.