Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na mayruong sapat na suplay ng bigas ang bansa subalit kailangang tugunan ng gobyerno ang distribution gaps na nakaka-apekto sa availability at suplay nito sa merkado.
Inihayag ng Pangulong Marcos, maraming bigas sa bansa hindi lang nailalabas nang tama. Kaya’t hindi problema ang supply sa Pilipinas.
Ayon sa Chief Executive, sinabi ng Department of Agriculture mas malaki ang ani ngayong taon kumpara nuong nakaraan.
Binigyang-diin ng Pangulo, kailangan ayusin ang sistema sa pagtatanim mula sa pag-research and development, sa pagtanim, processing, distribution, marketing, hanggang sa retail.
Nakahanda ang gobyerno na ipatupad ang mga kaukulang reporma at umaasa na maramdaman na ng publiko ang ang epekto.
Inihayag ng Pangulo na mararamdaman na ang pagbaba ng presyo ng bigas dahil nagsimula na ang anihan.
Samantala, sinabi ni Marcos na kailangang magpatupad ng mga hakbang ang gobyerno tulad ng pagpataw ng price cap, pagbibigay ng cash aid sa mga retailer ng bigas, pati na rin ang pagtatakda ng bagong hanay ng presyo ng pagbili ng palay para sa National Food Authority (NFA) upang matulungan ang mga magsasaka at matiyak imbentaryo.
Noong Agosto 31, naglabas si Pangulong Marcos ng Executive Order (EO) No. 39 upang tugunan ang kasalukuyang pagtaas ng presyo ng mga retail na bigas, na dulot ng manipulasyon sa merkado ng mga hoarder at smuggler.
Sa ilalim ng EO 39, ang mandated price ceiling para sa regular milled rice ay nakatakda sa P41 kada kilo, habang ang well-milled rice ay nakatakda sa P45 kada kilo.
“Ngayon napilitan tayo na mag-price cap dahil naalarma talaga ako. Kung ako lang, ayokong pakialaman ang merkado ngunit hindi naman tama ang takbo ng merkado dahil kinakalikot nga nung mga hoarder at saka ng mga smuggler. Kaya’t naglagay tayo ng price cap,” pahayag ng Pang. Marcos.