Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr na mayruong sapat na suplay ng bigas ang bansa sa kabila ng nararanasang El Nino o tagtuyot.
Sinabi ng Pangulo na walang dapat i-pangamba ang publiko na kapusin ang suplay ng bigas at mga pagkain.
Sa ambush interview sa Occidental Mindoro, sinabi ni Pang. Marcos na sa katunayan ay tumaas pa ang ani sa mga lugar na mayroong patubig.
Resulta aniya ito ng bagong farming techniques at pinahusay na irrigation system.
“Well, kung ang pag-uusapan natin ay bigas, sapat naman ang ating supply. Hindi kailangang mag-alala ang tao. Sa katotohanan, ‘yung mga area na may patubig, tumaas pa ‘yung ating naging ani, ‘yung tons per hectare natin,” pahayag ni Pang. Marcos.
Pero aminado ang Pangulo na sadyang maraming sakahan ang apektado ng tagtuyot, bagay na ginagawan na ng paraan ng gobyerno.
Sa pagtungo ng Pangulo sa Occidental Mindoro, personal nitong ininspeksyon ang pinsala ng matinding tagtuyot sa mga sakahan.
“Pero siyempre, marami pa. Kagaya dito, siguro mga 50 porsyento lamang ang irrigated at so, ‘yung iba talagang nahihirapan. Dito sa Occidental Mindoro, ang calculation namin, one percent lamang nung mga irrigated lands ang naapektuhan ng El Niño na talagang kailangan ng tulong,” dagdag pa ng Pangulong Marcos.