-- Advertisements --

Tiniyak ni Pang. Ferdinand Marcos Jr., na patuloy na ipagtanggol ng Pilipinas ang karapatan nito sa West Phl Sea.

Ayon sa chief executive wala siyang nakikitang problema hinggil sa pag alis ng floating barrier na inilagay ng China sa bahagi ng Bajo de Masinloc dahil ang nasabing lugar ay sakop talaga ng Pilipinas.

Ibinahagi din ng Pang  Marcos na matapos alisin ang mga floating barrier ang mga lokal na mangingisda na nakapasok sa lugar ay agad nakapangisda at nakahuli ng nasa 164 toneladang isda sa loob lamang ng isang araw.

Aniya kung hindi tatanggalin ang barrier malaki ang mawawala sa mga Pinoy na mangingisda.

Binigyang-diin ng Pangulo na hanggat maaari iiwas ang Pilipinas sa gulo, iwasan din ang pagsasabi ng mga maiinit na salita subalit matibay ang gagawing pagdepensa sa teritoryo ng bansa.

Ayon kay Pang. Marcos hindi niya lubos maunawaan na ang karapatan ng mga Pilipinong mangingisda na makapangisda sa lugar daan daang taon na ang nakalipas ay nagbabago na ngayon.

Sa ngayon may mga hakbang ng ginagawa ang pamahalaan ukol sa isyu sa WPS hinggil sa patuloy na pagiging agresibo ng China.

Tumanggi naman ang Pangulo idetalye ang mga gagawing hakbang ng gobyerno dahil ito ay operational matters.