Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang patuloy na pakikipag ugnayan ng Pilipinas sa ASEAN at iba pang stakeholders upang matiyak ang pambansang interes ng bansa at ang kapakanan ng mga Pilipino.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa kanyang pag alis patungong Lao Peoples’ Democratic Republic para sa 44th at 45th ASEAN Summit at mga kaugnay na summit mula Oktubre 8 hanggang 11.
Binigyang diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng ASEAN Summits bilang avenue para talakayin ng Pilipinas ang mga isyung kinakaharap ng mga bansang ASEAN sa geopolitical matters at functional cooperation.
Bukod sa summit, magiging abala din ang Pangulo sa pagdalo ng mga pulong partikular sa mga banyagang kumpanya na layong makahikayat ng investment.
May pulong din na dadaluhan ang Pangulo sa ASEAN’s external partners para isulongang mga kooperasyon sa seguridad sa pagkain at enerhiya, kalakalan at pamumuhunan, katatagan ng supply chain, MSMEs, at pagtugon sa mga epekto ng climate change.
Siniguro din ng Presidente na kaniyang tatalakayin sa summit ang international issues na layong isulong ang interest ng Pilipinas na nakaka-apekto sa rehiyon partikular ang isyu sa West Phl Sea.
Pag-uusapan din ng mga ASEAN leaders ang iba pang isyu at geopolitical matters gaya ng sitwasyon sa Myanmar at ang conflict sa Ukraine.