Tiniyak ni President Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaniyang commitment na protektahan ang soberenya at territorial integrity ng Pilipinas sa West Philippine Sea at itutulak nito ang multilateral approach para resolbahin ang mga hindi pagkaka-unawaan sa disputed islands.
Ayon kay Philippine Ambassador to the US Jose Manuel Romualdez, ginawa ng Punong Ehekutibo ang pahayag sa isang panayam sa Philippine Embassy sa Washington DC ng tanungin kung inaasahan nito na hindi na ba mas magiging agresibo ang China kasunod kasunod ng trilateral meeting sa pagitan ng Philippines, Japan, and the US.
Inihayag ni Romualdez na bagamat hindi maintindihan ng Pilipinas ang intensiyon ng China, malinaw ang nais gawin ng Pilipinas ito ay protektahan ang teritoryo at sovereign rights sa nasabing rehiyon.
Aniya, malawak ang pasensiya ng Pilipinas subalit sinagad na ito kaya hindi pwede umupo at tignan na lamang ang kanilang mga ginagawang pang-aapi.
Dagdag pa ni Ambassador Romualdez, ang ginagawa ngayon ng Pang. Marcos ay labanan ang mga delikado at mapang-abusong aksiyon ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas na kanilang ginagawa sa loob mismo ng teritoryo ng bansa.
Nais lamang ng Pilipinas na malayang makakagalaw sa sariling teritoryo at respetuhin ang international law.
Ayon kay Romualdez, panahon na para ihayag ng Pilipinas ang malinaw na hakbangin para resolbahin ang mga hindi pagkaka unawaan sa pamamagitan ng pakikipag-usap para hindi na dumating sa punto na maglalabanan.
Naniniwala ang Philippine Ambassador to the United States na ang trilateral summit ang siyang huhubog sa hinaharap at sa direksiyon ng Indo-Pacific region.
Aniya, karamihan sa mga malalaking bansa sa mundo suportado ang freedom of navigation, pag-iiral sa rule of law, at ang arbitral award na pinanalunan ng Pilipinas nuong 2016 sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).