-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ginagawa na ng pamahalaan ang lahat para maiuwi sa bansa ang bangkay ng dalawang Pinoy na nasawi sa Israel.

Sa ngayon hinihintay na lamang ng gobyerno ang abiso ng Israeli government kung pwede nang makapagpadala ng eroplano o kung bukas na ang airport sa Tel Aviv.

Ito ang ipinaaabot ng Pang. Marcos ng makausap nito ang isa sa mahal sa buhay kagabi ng dalawang Pilipinong biktima ng terorismo sa Israel.

Sa kaniyang pakikipag usap sa kaanak ng isa sa mga biktima, sinabi ng pangulo na nagbabaka sakali sila na magagawan ng paraan na mapalipad ang eroplano ng pamahalaan para makuha ang mga Pilipino sa Gaza.

Ayon sa chief executive kapag nagbigay na aniya ng permiso ang gobyerno ng Israel, pwede na aniyang magpadala ng eroplano at pwede nang sumama rito patungo roon ang kaanak ng biktima.

Una nang sinabi ni AFP Spokesperson Col. Medel Aguilar na nakahanda na ang dalawa nilang c130 at isang c295 para lumipad patungong Israel upang sunduin ang mga Pilipino sa Gaza na nais ng umuwi sa Pilipinas.

Siniguro din ng Pangulo sa mga kaanak ng biktima na lahat ng tulong na kailangan nila ay ibibigay ng gobyerno, kasama na rito ang tulong pinansiyal, pati ang pagpapabalik dito sa bansa ng mga labi ng mga biktima.

Pinayuhan ng Pangulo ang mga kaanak ng mga biktima na palagiang makipag ugnayan sa Philippine embassy sa Tel Aviv para sa update sa sitwasyon.