-- Advertisements --

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na walang nangyayaring pananabotahe hinggil sa nararanasang power outages o brownout sa bansa.

Aminado ang Pangulo na mayruong problema sa suplay ng kuryente dahil sa sabay-sabay at sunud-sunod na pagbagsak ng mga planta.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo na wala siyang nakikitang pananabotahe matapos ang ginawang pag-aaral.

Ayon sa Presidente talagang hindi kinaya ng mga planta ang mabigat na power load kasabay ng mga naitatalang technical problems tulad ng mga piyesa na kailangan na talagang palitan.

” Talagang, mabigat lang talaga ‘yung load. Hindi kinaya. Talagang nagkaroon ng technical problem. May piyesa dun na hindi napalitan kaya ‘yun ang ginagawa natin ngayon, binabalik nang dahan-dahan. So far naman, ‘yung mga iba nag-power outage, pero pagkanaayos natin ‘yung mga nag-trip na power plant at saka mga substation, eh babalik naman tayo sa dati,” pahayag ng Pangulong Marcos.

Binigyang-diin din ng Presidente na sa ngayon, dahan dahan nang bumabalik ang power supply sa kabila ng mga idiniklarang red at yellow alert at unti-unit na ring inaayos ang mga pumalyang mga power plant at subdtations.

Samantala, naniniwala rin ang Pangulong Marcos na bukod sa solar power, ang pagkakabit ng submarine cables ang nakikitang pang-matagalang solusyon sa enerhiya partikular sa Occidental at Oriental Mindoro na magbibigay-daan upang maitransmit ang mga labis na kuryente sa mga mangangailangang lugar.

“So,naglalagay na tayo ng submarine cable para dito specifically sa Mindoro para ‘yung mga ibang lugar naman na sobra ang kanilang capacity, hindi nagagamit, sayang. So, ‘yun ang pwede nating paglipat-lipat kung saan ang pangangailangan,” pahayag ng Pang. Marcos.