Tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na mga banyagang terorista ang nasa likod o responsable sa pamomomba kaninang umaga sa Marawi City na ikinasawi ng apat na indibidwal habang 50 ang sugatan.
Mariing kinondena ng Chief Executive ang insidente at sinabing gagawin ng gobyerno ang lahat para mapanagot ang mga ito sa kanilang hindi makataong ginawa.
” I condemn in the strongest possible terms the senseless and most heinous acst perpetrated aby foreign terrorists upon Mindanao State University (MSU) and Marawi communities early this Sunday morning. Extremists who wield violence against innocent will always be regarded as enemies of our society,” pahayag ng Pang. Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo na kontrolado ng pamahalaan ang sitwasyon ngayon sa Marawi kung saan nasa full alert status ang militar at pulisya.
Pinasisiguro naman ng chief executive sa mga otoridad na mahuli ng sa gayon mapanagot ang mga nasa likod ng insidente.
Nagpa-abot naman ng kaniyang pakikiramay ang pangulo sa mga kaanak ng mga nasawi, pinasisiguro naman sa mga concernced agencies ang karampatang tulong para sa mga ito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang gobyerno sa pamahalaan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim at sa mga concerned agencies para sa kanilang agarang tugon para mapanatili ang kapayapaan sa lugar.
Inatasan na ng Pangulo ang PNP at AFP na tiyakin ang proteksiyon at kaligtasan ng mga sibilyan partikular sa mga apektadong komunidad.
Dinagdagan na rin ang pwersa ng militar at pulisya sa lugar.
Nanawagan naman ang Pangulo sa mga sibilyan na manatiling kalmado subalit alerto.