Naging emusyunal si Pang. Ferdinand Marcos Jr., sa kaniyang mensahe para sa namayapang kalihim ng Department of Migrant Workers (DMW) na si Sec. Susana “Toots” Ople.

Ayon sa Chief Executive malaking kawalan sa kaniyang gabinete ang kalihim dahil sa hindi matatawarang serbisyo nito sa gobyerno partikular sa pagtutok sa kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW).

Sinabi ng Pang. Marcos masakit para sa kaniya ang pagpanaw ng Kalihim dahil naging malapit ito sa kaniya.

Sabi ng Pangulo kung siya ay emusyunal ito ay dahil sobra siyang nalungkot.

Isang necrological service ang isinagawa sa Malakanyang ngayong umaga bilang huling respeto sa pumanaw na kahilim.

Pinangunahan ito ni Pang. Ferdinand Marcos Jr at ng kaniyang mga Cabinet Secretaries.

Binigyang-diin ng Pangulo na walang makakapantay kay Secretary Ople sa pagiging masipag at masigasig sa trabaho.

Pinapurihan ng Pangulo si Ople dahil sa huling hininga nito ay trabaho pa rin ang nasa isip nito.

Maituturing na modern heroes si Sec. Ople na ipinakita ang walang kapagurang pagtatrabaho maisulong lamang ang kapakanan ng mga modern-day heroes partikular ang mga OFW.