Hindi napag-uusapan sa Malakanyang ang pagpapatawag kay Chinese Ambassador Huang Xillian.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na sa ngayon ay walang utos si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na pagpaliwanagin ang Chinese official sa umano’y panghihimasok ng China para impluwensyahan ang halalan sa bansa.
Pero naniniwala ang Palasyo na kailangan ng malalimang imbestigasyon tungkol dito lalo na kung may kinalaman sa seguridad ng bansa.
Lumabas sa pagdinig ng Senado na kinontrata ng mga opisyal ng Chinese embassy ang Infinitus Marketing Solutions na umano’y nagsisilbing keyboard warriors ng China sa pagpapakalat ng disinformation.
Ayon sa National Security Council, mayroong indikasyon na ginagamit ang information operations para makialam sa darating na eleksyon.
Nagpahayag naman ng pagkaalarma ang Malakanyang na may umaaligid na fake news peddlers sa bansa.
” Sa ngayon po, wala pa po tayong nadidinig na anumang pag-uutos patungkol po diyan. Pero, minararapat po talaga na magkaroon po ng malalimang pag-iimbestiga patungkol po dito. Lalung-lalo na po kung ito naman ay may kinalaman na rin sa seguridad ng bansa at kung ano po ang magiging kahihitnatnan ng ating bansa kung may mga ganitong klaseng fake news peddlers na umaaligid sa ating bansa,” pahayag ni USec. Claire Castro.