CAGAYAN DE ORO CITY – Tatapusin pa umano ng gobyerno ang natitirang suliranin ng insurhensiya partikular ang pag-ahon sa mga unang sumuko na mga kaanib ng armadong kilusan tulad ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NA) at ibang security threats kaya mananatili ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ito ang direktang kasagutan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr kung hindi ba presyur ang kanyang liderato sa inilabas na Supreme Court ruling patungkol sa dalang panganib ng red-tagging sa pangkalahatang seguridad ng bansa.
Iginiit ni Marcos hindi naman nagmula sa panig ng gobyerno ang isyu ng red-tagging bagkus ay kagagawan umano ng ilang grupo upang sirain ang state forces na kabilang sa bumubuo ng task force.
Sinabi ng pangulo na malaki ang ambag ng NTF-ELCAC upang pahinain ng husto ang kilusang armado dahil gumalaw ang lahat ng mga ahensiya ng gobyerno kaya marami na sa mga taga-suporta at mismong NPA organic members ang sumuko sa mga kanayunan.
Magugunitang ipinagpatuloy lang ng Marcos administration ang NTF-ELCAC na sinimulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kilalang kontra sa kilusang CPP-NPA sa bansa.