Pinuna at pinuri ni Pilipino Tayo movement lead convenor at dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Chairman Greco Belgica si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos ang kanyang naging pahayag sa kamakailang SONA nito kung saan tinalakay niya ang isyu sa WPS at ang pagbabawal sa operasyon ng POGO sa bansa.
Gayunpaman, sinabi ni Belgica na dapat ay itinulak pa ito lalo ng Pangulo sa pamamagitan ng pag-abolish sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na “ang dahilan kung bakit lumalaganap ang pagsusugal.”
Pinuri rin ng lead convenor ng Pilipino Tayo movement si Pangulong Marcos sa paglagda sa Republic Act No. 12009 o ang New Government Procurement Act, na naglalayong tugunan ang mga butas sa sistema ng pagbili ng gobyerno at tiyakin ang mas mahusay at mas maayos na mga serbisyo sa pamamagitan ng pagsugpo sa mga ilegal na gawain at pag-aalis ng mga pagkakataon para sa katiwalian.
Pinuri rin ni Belgica ang Pangulo sa pagtugon sa mga isyu ng mga overseas Filipino workers, gayundin ang kanyang mga plano sa agrikultura, irigasyon, pampublikong gawain at imprastraktura, digital infrastructure, at mga proyekto sa enerhiya.
Gayunpaman, binanggit ni Belgica na tila may mga pagkakaiba sa mga ulat ng Pangulo sa kriminalidad at kahirapan mula sa karanasan ng mga tao sa lansangan.
Bagama’t sinabi ni Pangulong Marcos na matagumpay ang gobyerno sa paglulunsad ng isang “bloodless” drug war, sinabi ni Belgica na dumami ang mga ulat ng mga pagpatay, karumal-dumal na krimen, at paglaganap ng ilegal na droga.
Sinabi rin ni Pangulong Marcos na 420,000 na pamilya ang nagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program ng gobyerno, humigit-kumulang 2.5 milyong Pilipino ang naahon sa kahirapan, at may 1.7 milyong Pilipino ang nabawas sa mga nagsasabing wala silang sapat na pambili ng pagkain.
Ngunit binanggit ni Belgica ang survey ng Social Weather Stations na isinagawa ngayong taon, kung saan 46 porsiyento ng mga pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay mahirap, 33 porsiyento ang nagsabing sila ay malapit nang maging mahirap, at 23 porsiyento lamang ang nagsabing hindi sila mahirap.
Sinabi rin ng lead convenor ng Pilipino Tayo movement na ang Pilipinas ay patuloy na may mahinang ranggo sa mga pag-aaral na nagra-ranggo sa mga bansa sa mga tuntunin ng katiwalian, ekonomiya, pagiging kaakit-akit bilang destinasyon ng pamumuhunan, sistema ng hustisya, lakas ng militar, at burukratikong red tape.
“Ayon sa mga pagaaral, ang Pilipinas daw ay pang-83 sa 126 na bansa na investment destination, 115 sa 180 na bansa na pinaka-corrupt, pang-88 sa 176 na bansa na hindi malaya ang ekonomiya, 97 sa 140 na bansa na mahina ang justice system, 34 sa 145 na bansa sa lakas ng sandahang militar, at 116 sa 138 na bansa sa matindi ang red tape,” aniya.
“Sa makatuwid, ang sitwasyon, ginhawa, kayamanan at magandang ekonomiya na nararamdaman ng kakaunting mayayaman ay malayo sa kahirapan na nararamdaman ng karamihan ng Pilipino dahil sa mataas na presyo ng pagkain, kuryente, bigas, gasolina, at iba pa. Ito ay dahil din sa matinding korapsyon at red tape,” ani Belgica.
“Kaya maganda man ang kwento, presentasyon, at pagkaka-presenta, sa likod ng isip natin, alam natin na ang mga numerong ipinakita niya sa SONA na may kinalaman sa kahirapan ay direktang taliwas sa nararamdaman ng karamihan sa ekonomiya nila ngayon,” dagdag niya.