Nagpahayag ng pag-asa ang Philippine Business for Education (PBEd) na tututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang sektor ng edukasyon sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), partikular sa pamamagitan ng paglalatag ng mga pangmatagalang reporma na gagawin ng kanyang administrasyon.
Ang mataas na bilang kasi ng mga dropout, o mga hindi nakapagtapos ng kanilang pag-aaral, ay nananatiling malaking problema ng sistema ng edukasyon sa bansa sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral sa mga nakaraang taon.
“Bagama’t may magagandang senyales sa DepEd na lumampas sa kanilang mga target sa pagpapatala, kailangan din nating tingnan ang mga dropout,” sabi ni Justine Raagas, executive director ng Philippine Business for Education (PBEd).
Base sa datos ng gobyerno na mula sa halos tatlong milyong estudyanteng nag-enroll sa Baitang 1 noong 2012, humigit-kumulang 2.3 milyon lamang ang nakarating sa senior high school makalipas ang 10 taon.
Binanggit niya ang iba’t ibang problema sa pamamahala, lalo na sa mga ahensyang namamahala sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Hinimok ng PBEd si Pangulong Marcos na gamitin ang kanyang political capital para unahin ang mga pangmatagalang reporma sa sektor ng edukasyon.
Kabilang sa mga rekomendasyon ng grupo ay ihanay ang mga prayoridad sa pamamagitan ng paglikha ng pangmatagalang agenda sa edukasyon na lalampas sa 2030 at sumasaklaw sa lahat ng ahensyang may kaugnayan sa edukasyon.