Binigyang diin ni PBGen Nicolas Torre III, Regional Director ng Police Regional Office 11, na walang halong politika ang kanilang pagsisilbi ng warrant of arrest sa puganteng pastor na si Apollo Quiboloy at apat pang kapwa nito akusado.
Ito ay kasunod pa rin ng pagharang ng mga tagasunod ni Quiboloy sa kanilang search operations.
Ayon kay Torre, kung naniniwala ang KOJC members na inosente ang kanilang pastor ay makipag-tulongan nalang ang mga ito sa pulisya imbes na magsisigaw ng hustisya sa kalsada.
“Ang hustisya ay hindi hinahanap sa kalsada. Ang hustisya ay hinahanap natin sa ating mga korte. Huwag nating haluan ng politika ito, walang politika rito. Ito ay patas na pag i-impliment ng warrant of arrest.” ani Torre.
Iginiit ni Torre na ang mga search operations nila ay pabor lahat sa “terms” ng mga miyembro ng KOJC kaya hindi nila mahalughog ng maayos ang compound.
Ibinahagi ni Torre, na may isang building silang pinasok kahapon na base sa kanilang impormante ay may kwarto si Quiboloy sa loob na pwede nitong pagtaguan.
Pagkkwento ni Torre, ang building ay pinaninirahan lamang ng mga babae, kaya naman nagdala umano siya ng 60 babaeng pulis para sa search operations pero 10 babaeng pulis lang umano ang pinayagan pumasok ng mga miyembro ng KOJC.
Bagama’t nakumpirma umano nilang may kwarto doon na tumutugma sa salaysay ng impormante kung saan may mga damit panlalake at sapatos na sakto sa sukat ni Quiboloy, wala na umano silang naabutan dito dahil bakante at malinis ang kwarto.
Maliban pa rito, may natuklasan din silang isang section kung saan may mga menor de edad na babae nasa 10-15 taong gulang.
Kaya naman hindi umano kinokonsidera ni Torre na “seached” na ang naturang building dahil isinagawa umano nila ang paghahanap pabor sa “terms” ng KOJC members.