Hinamon ni PBGen. Nicholas Torre III, Regional Director, PRO 11 ang legal counsel ng Kingdom of Jesus Christ na si Atty. Israelito Torreon na patunayan ang mga alegasyon nito kaugnay sa mga inilabas niyang litrato na umano’y paghuhukay ng Philippine National Police (PNP) sa basement ng Jose Maria College.
Bagama’t hindi itinanggi o kinumpirma ng PNP na naghukay sila sa loob ng compound, hinahamon ni Torre si Torreon na patunayan pa rin ang kaniyang mga alegasyon.
Ani Torre, “Ilabas nila ang nagbigay ng photo at bigyan niya rin ng source statement, kase kaya kong gawin ‘yan sa loob ng photoshop,”
Una nang iniulat na sinabi ni Atty. Torreon na nasa 8 meters na raw ang lalim ng hinukay ng kapulisan sa basement ng JMC.
Naninindigan din si Torreon na ilegal na ang ginagawa ng kapulisan dahil ang anumang paghahanap na isinasagawa sa ari-arian ng isang tao ay posible lamang kung ang korte ay naglabas ng isang valid search warrant. Pero sa kasong ito aniya, makalipas ang 11 araw, na wala pang pag-aresto ay nagsasagawa lang daw ang PNP ng intrusive search sa mga ari-arian na hindi naman nakarehistro sa pangalan ng Akusado.
Bwelta naman ni PBGen. Torre, ang search warrant ay para lang sa mga bagay at kontrabando.
“Wala kaming sinasabi na may kontrabando sa loob ng KOJC, wala kaming sinasabi na may baril diyan, wala kaming sinasabing may drogra diyan, wala kaming sinasabing may dapat kaming i-search warrant diyan at kumpiskahin namin. Ang meron kami ay warrant of arrest.” ani Torre
Binigyang diin ni Torre na ang pinakamalaking hamon pa rin nila hanggang ngayon kaya hindi pa rin matapos tapos ang paghahanap sa mga akusado ay ang pagmamatigas ng mga miyembro ng KOJC na papasukin sila sa ilang parte o kuwarto sa loob ng compound.