Nagbabala ang Philippine Chamber of Commerce and Industry(PCCI) ng panibagong economic disruption sa bansa, kasunod ng pagpataw ng US ng 17% na dagdag taripa sa mga produktong galing sa Pilipinas.
Giit ni PCCI President Enunina Mangio, bagaman ang 17% ay isa sa pinakamababang ipinataw ng US sa Southeast Asia, tiyak na maaapektuhan pa rin nito ang export sector ng bansa lalo na ang mga nasa industriya ng pagsasaka at food processing.
Paliwanag ni Mangio, hindi lamang ang dagdag taripa ng US ang makaka-apekto sa bansa kungdi maging ang retaliatory measures na pinaplanong ipataw din ng iba pang mga bansa bilang kasagutan sa naging hakbang ng US.
Kung pagsamahin ang dalawa aniya, tiyak na magkakaroon ito ng potensyal na epekto sa ekonomiya ng Pilipinas kung saan ang remittance at consumer spending ang dalawa sa mga pangunahing nagpapagalaw sa ekonomiya.
Maaapektuhan kasi aniya ang global supply chain dahil sa pagapapataw ng iba’t-ibang mga bansa ng dagdag na taripa sa mga produktong pumapasok at lumalabas sa mga ito, habang posible ring tataas ang pag-aalinlangan ng mga investors at mga consumer dahil sa inaasahang pagtaas ng presyo ng mga produkto.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng PCCI ang magiging tugon ng pamahalaan ng Pilipinas, bago ito gumawa ng sariling hakbang, kasama ang iba’t-ibang mga business organization sa bansa.