Nakatakda nang umuwi sa kani-kanilang mga lalawigan ngayong linggo ang nasa 6,500 overseas Filipino workers (OFW) matapos magnegatibo sa isinagawang real-time polymerase chain reaction (RT-PCR) testing para sa COVID-19.
Ayon kay Adm. Joel Garcia, commandant ng Philippine Coast Guard (PCG), tatanggap na rin ang nasabing mga OFWs ng certificate mula sa Philippine Red Cross (PRC) at quarantine clearance mula sa Bureau of Quarantine (BOQ).
Nakipag-ugnayan na rin daw sila sa mga local manning agencies para makapaghanda sa pagpapauwi ng mga Pinoy workers sa darating na weekend o pagkatapos ng pananalasa ng Bagyong Ambo.
Umapela rin ng pag-unawa ang opisyal lalo pa’t binibilisan na rin ng Sub-Task Group for the Repatriation of OFWs ang pagsasagawa ng pangongolekta ng specimen, swab analysis, at pag-iisyu ng kinakailangang mga dokumento para makauwi na ang mga manggagawang Pinoy.
“Iniingatan po natin na mahaluan ng COVID-19 positive ang mga taga-probinsya. There are 55 provinces na hindi under enhanced community quarantine. Ibig sabihin, halos lahat po ng nag-po-positibo, maliban sa NCR, ay nanggagaling sa abroad. Ito po yung iniingatan natin – na hindi sila mahawaan. Kaya nauunawaan rin po natin yung mga LGU kung bakit mahigpit sila sa pagtanggap sa kanilang mga constituents,” paliwanag ni Garcia.
“Kung meron mang pagkukulang o diperensya sa sistema, unawain po natin. Ginagawa po ng inyong gobyerno ang lahat dahil nararamdaman namin na gusto niyo nang makasama ang inyong pamilya,” anang opisyal.
Para sa listahan ng mga OFWs bistahin ang link: https://bit.ly/2zKb7sj