-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Handa na ang Philippine Coast Guard (PCG) Aklan para sa ipapatupad na security measures sa Semana Santa sa susunod na linggo.

Ayon kay Senior Chief Petty Officer Dominador Salvino, deputy commander for operation ng PCG Aklan na isinailalim na sa heightened alert ang kanilang buong hanay upang matiyak na walang maitalang insidente sa mga biyahero.

Kabilang ang iba pang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, ipapatupad ng PCG ang “Oplan: Semana Santa 2024″ bilang paghahanda sa inaasahang pagbuhos ng libo-libong mga biyahero na magsiuwian sa kanilang mga lugar upang magbakasyon gayundin ang mga turista.

Inihayag pa ni Salvino na iniutos ni Coast Guard District Western Visayas commander Captain Weniel Azcuna na mag-deploy ng sea assets at magsagawa ng regular na pagpatrolya sa karagatan.
Samantala, mahigpit nilang minomonitor ang mga pantalan sa Aklan partikular sa Caticlan Jetty Port sa bayan ng Malay kung saan, sinisiguro sa kanilang pag-inspeksyon na ang lahat ng mga barko o sakayang pandagat ay hindi overloaded at nasa maayos na kondisyon sa paglayag.

Sa kasalukuyan aniya ay minimal pa ang mga biyahero partikular ang mga turista patawid sa Boracay ngunit inaasahan na bubuhos ang mga ito mula sa araw ng Sabado, Marso 24.

Pinaalalahanan naman ni Salvino ang mga biyahero na iwasang magdala ng mga ipinagbabawal tulad ng mga pampasabog, baril at iba pang deadly weapons.