Aktibong minanmanan ng Philippine Coast Guard ang Multi-Purpose Oceanographic Research Vessel ng China na Ke Xue San Hao gamit ang Dark vessel Detection program na naglayag malapit sa Escoda shoal.
Batay sa ibinahaging impormasyon ni PCG spokesperson for the WPS Comm. Jay Tarriela sa kaniyang X account nitong linggo, nagpakita ng irregular Automatic Identification System transmissions ang naturang Chinese research vessel habang naglalayag sa hilagang parte ng Escoda shoal.
Sinundan naman ng BRP Teresa Magbanua na nagbabantay sa shoal ang Chinese research vessel dahil dumaan ito sa kaniyang dead astern o likurang parte ng barko na tinatayang nasa 5.5 nautical miles.
Lumalabas aniya sa monitoring data na umalis ang barko mula sa artificial military base ng China sa Panganiban reef noong July 26 at mula noon ay naglayag ito sa ilang kritikal na lokasyon kabilang na sa Ayungin Shoal, Raja Soliman Shoal, Bulig Shoal, Hasa Hasa Shoal, Abad Santos Shoal, at saka nakarating sa Escoda Shoal.
Ang naturang Chinese research vessel ay dinisenyo ng Marine Design and Research Institute of China at ginawa ng Wuchang Shipbuilding Industry Co., na may advanced technology na kayang magsagawa ng comprehensive marine environment observation, detection, sampling, at analysis.