Makikilahok din ang Philippine Coast Guard at ang Philippine National Police sa gaganaping Balikatan Exercises 2024 sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Ayon kay Balikatan Exercises 2024 Spokesperson Col. Michael Logico, nasa 16,770 na mga indibidwal ang inaasahang lalahok sa naturang bilateral exercises.
Hindi pa aniya kasama rito ang ilang tauhan ng PNP at PCG na Kasama rin sa naturang military exercises, gayundin ang mga bansang Australia, France, at marami pang iba.
Aniya, kabilang din sa mga isasagawang aktibidad sa Balikatan Exercises 2024 ay ang pagkakasa ng group sail kung saan makikiisa rin ang PCG at United States Coast Guard.
Sabi ni Philippine Coast Guard spokesperson Rear Admiral Armando Balilo, ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakasama ang mga barko ng kanilang hanay sa mga aktibidad ng Balikatan.
Nasa anim na mga barko aniya ng PCG ang kabilang sa naturang military exercises na kinabibilangan naman ng 44-metre multi-role response boats , at dalawang malalaking patrol vessels.
Sa Lunes, nakatakdang ganapin ang opening ceremony ng Balikatan Exercises 2024 sa Kampo Aguinaldo, Quezon City.