-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine Coast Guard na kanilang ipagpapatuloy ang paghahanap sa mangingisdang nawawala sa karagatan ng Subic, Zambales.

Hanggang sa ngayon kasi ay bigo pa rin ang grupo na makita ang katawan nito.

Kung maaalala, napaulat na nagkaroon ng banggaan ang isang foreign vessel at isang bangkang pangingisda kung saan sakay ang nawawalang indibidwal.

Batay sa ulat ng PCG, ang sakay ng lumubog na bangka na si Robert Mondoñedo, 47 anyos na kapatid ng nawawalang si Jose Mondoñedo ay nakaligtas sa naturang pangyayari.

Umabot ng tatlong araw na palutang lutang sa karagatan ang biktimang nakaligtas matapos umano silang mabangga ng isang foreign vessel.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ngayon ang PCG sa Indonesian Port State Control dahil nasa karagatan nila ang dalawang foreign vessels ng China na pinaghihinalaan na nakabangga sa bangka ng mga mangingisdang Pilipino.