Binabantayan na ng Philippine Coast Guard ang probinsya ng Aurora na posibleng tumbukin ng bagyong Kristine.
Ayon kay CG Ensign Ryan Joe Arellano, ang spokesperson ng PCG Northeastern Luzon, nagpadala na sila ng mga high speed response boat sa probinsiya ng Aurora para maideploy anumang oras.
Ayon kay Arellano, kasalukuyang naka-preposisyon ang mga ito sa Port of Casiguran, isa sa mga strategic port sa Aurora province para sa anumang deployment na isasagawa.
Tiniyak ni Arellano na may sapat na mga personnel ang PCG na nakadeploy sa sub office nito sa Aurora upang tumugon sa anumang pangangailangan.
Sa kasalukuyan, wala na rin aniyang mga manlalayag o mga mangingisda na nagpupumilit pang pumalaot mula nang inilabas ang warning, dahil sa banta ng bagyong Kristine.
Ayon pa kay Arellano, alam na rin ng mga mangingisda ang banta ng karagatan dahil sa palaging dumadaan ang mga bagyo sa naturang probinsya.
Ang Aurora province ay may walong munisipalidad kung saan pito rito ay direktang nakaharap sa Karagatang Pasipiko. Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, nakahanda na ang mga land at sea assets ng probinsya para tumugon sa mga apekto ng bagyo.